Patuloy ang pagsusumikap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region I na isulong ang Public Transport Modernization Program sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng sektor ng transportasyon, partikular na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Director Cristal Romero Sibayan ng LTFRB Region I, isa sa mga pangunahing tinututukan ng ahensya sa rehiyon ay ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon, katuwang ang mga lokal na pamahalaan (LGU).

Aniya maganda ang plano ng mga LGU para sa kani-kanilang local transport systems kung saan sa kasalukuyan, nasa 30% na ng mga transport groups ang nakapasa sa modernization program ngayong buwan ng Setyembre.

--Ads--

Ibinahagi rin ng opisyal na may mahigit 500 modern units na ang ginagamit sa buong Region I, at tuloy-tuloy pa rin ang pagdadagdag sa mga ito bilang bahagi ng transition mula sa tradisyonal na mga jeep patungo sa environment-friendly at mas ligtas na mga sasakyan.

Dagdag pa ni Sibayan, patuloy ang pagbibigay ng subsidiya ng gobyerno upang matulungan ang mga operator at driver.

Bukod dito malaking pondo ang inilaan para tuluyang maisakatuparan ang modernization program sa rehiyon.

Gayunpaman, inamin ng direktor na halos lahat ng transport stakeholders ay apektado ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Kaugnay nito, kinilala at tinanggap ng LTFRB Region I ang mga petisyon para sa taas-pasahe, subalit kailangan umano itong pag-aralan nang maigi.