Dagupan City – Matagumpay na inilunsad ang kilos-protesta ngayong araw ng grupong Bagong Alyansang Makabayan-Central Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eco Dangla ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Luzon, layunin ng pagkilos na ito na ipahayag ang galit ng mamamayan laban sa matagal nang umiiral na korapsyon sa ahensya, partikular sa mga flood control projects sa Region 3.

Kung saan bilang bahagi ng protesta, nagsagawa muna ng misa ang mga kalahok bago magsimula ang demonstrasyon.

--Ads--

Ayon sa grupo, layunin nitong ipanawagan ang pananagutan sa paggamit ng pondo na umaabot sa ₱1.9 trilyon na inilaan para sa mga proyekto sa flood control mula taong 2011 hanggang 2025.

Ipinunto ni Dangla na ang mga proyektong ito, sa halip na magsilbing solusyon sa pagbaha at climate change, ay nagdulot pa umano ng lalong pinsala at pagkasawi ng maraming mamamayan dahil sa maanomalyang pagpapatupad at palpak na mga estruktura.

Katuwang naman nila ang BAYAN-Rizal sa pagkilos ang Anakbayan-Rizal at iba’t ibang progresibong organisasyon mula sa masa.

Samantala, kaugnay naman sa bagong binuong Independent Commission for Infrastructure ng pamahalaan, sinabi ni Dangla na positibo itong hakbang kung tunay na magreresulta ito sa imbestigasyon at pananagutan ng mga sangkot sa mga depektibong proyekto, lalo na sa larangan ng flood control.