DAGUPAN CITY- “Save the 192 Trees”
Ito ang isinusulong ng Pangasinan Native Trees Enthusiast Inc. upang maisalba ang mga puno na maaapektuhan sa redevelopment ng Provincial Capitol Complex sa bayan ng Lingayen.
Ayon kay Celso Salazar, Founder ng nasabing samahan, nakakalap na sila ng mahigit 3,000 pirma upang makiisa na mapigilan ang pagpuputol ng mga katutubong puno sa lugar.
Sa kanilang impormasyon, nasa 30 Nara at 5 Agoho ang kabilang sa nasabing mga puno.
Bagaman hindi nila kinekwestyon ang proyekto ni Gov. Ramon “Monmon” Guico III, hinihiling nila na mga exotic species lamang ang putulin dahil ito ay mga imported lamang at may negatibong naidudulot sa kapaligiran nito.
Habang suhestyon nila sa kanilang kasulatan na magtanim ng mga native trees upang mapanumbalik ang lilim sa lugar.
At aniya, bukas sila sa pagdo-donate ng mga matataas ng native trees na itatanim kapalit ng mga tatanggaling exotic trees.
Naniniwala sila na hindi man maiwasan ang ganitong pangyayari sa tuwing may itinatayong proyekto subalit, aniya, dapat maging balanse ang isang development.
Dagdag pa ni Salazar, kalakip din sa kanilang isinusulong ay ang paghahanda at proteksyon mula sa Climate Change kung saan tumitindi ang nararanasang init, lalo na tuwing summer season.