Nanawagan si Atty. Ariel Inton, Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sa mga transport regulators na huwag parusahan ang mga tsuper na lalahok sa nakaambang tigil-pasada bilang pagpapahayag ng kanilang hinaing sa epekto ng mga isyung kinakaharap ng sektor.
Iginiit ni Atty. Inton na hindi nararapat na ipataw ang parusa sa mga drayber na pipiling sumama sa kilos-protesta.
Aniya, karapatan ng transport sector na ihayag ang kanilang damdamin at saloobin, lalo na sa mga isyung matinding nakaapekto sa kanila gaya ng pagbaha, kakulangan sa flood control, at umano’y katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, dapat ay siguruhin ng mga kinauukulang ahensya na hindi mahirapan ang mga pasahero sa gitna ng tigil-pasada, ngunit hindi ito dahilan upang patawan ng parusa ang mga tsuper na nagnanais ipaglaban ang kanilang karapatan.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na ang transport sector ang isa sa mga direktang tinatamaan ng mga suliraning ito. Kaya’t mahalaga umano na pakinggan sila at kilalanin ang kanilang karapatang makiisa sa mga lehitimong pagkilos.
Sa huli, muling nanawagan si Atty. Inton sa mga transport regulators na huwag parusahan ang mga sasamang drayber at hayaan silang makiisa sa panawagan para sa tunay na reporma.