Naniniwala si Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, na hindi sapat ang pagbaba sa puwesto ni Speaker Martin Romualdez upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kamara de Representantes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, iginiit ni Yusingco na nananatiling mababa ang kredibilidad ng institusyon dahil hindi lamang si Romualdez ang nasasangkot sa umano’y mga anomalya kundi pati na ang buong Kamara.

Binigyang-diin niya na “band-aid solution” lamang ang magiging epekto ng pagbaba ng Speaker na isang pansamantalang lunas na hindi makapagliligtas sa integridad ng institusyon na aniya’y madungis na sa mata ng taumbayan.

--Ads--

Dagdag pa ni Yusingco, hindi mawawala ang kabulukan sa institusyon hangga’t ang mga ibinobotong mambabatas ay nagmumula pa rin sa mga political dynasty.

Bagama’t hindi niya nakikitang kailangang buwagin ang Kamara, nanawagan si Yusingco sa taumbayan na huwag nang muling iboto ang mga dinastikong politiko upang magkaroon ng tunay at pangmatagalang pagbabago.

Matatandaan na lumalakas ang panawagan para sa pagbabago ng liderato sa Mababang Kapulungan dahil sa flood control project anomalies at mga insertions ng pambansang pondo na nadadawit ang pangalan ni Romualdez.

Si Romualdez, na pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay nagsilbi bilang Speaker mula 2022.

Samantala, patuloy ang pagbabantay ng publiko sa magiging takbo ng Kamara sa gitna ng isa na namang malaking pagbabago sa liderato dahil binabanggit na si Deputy Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng Isabela ang posibleng pumalit bilang House Speaker.