DAGUPAN CITY- Napagtagumpayan na ni Romeo Quinsay na maiuwi ang matamis na kampeonato matapos maghiganti mula sa pagkatalo sa nakaraang Baguio-Luneta 265km Endurance Challenge.
Aniya, nagtapos man siyang 7th placer sa naturang kompetisyon subalit, sa pagkakataong ito ay tropeyo ang nakamit sa 213km Endurance Challenge (Laguna Loop) kontra sa 20 runners.
Hindi niya maitago ang hindi maipaliwanag na saya nang hindi siya biguin ng kaniyang pag-eensayo para maipanalo ang kompetisyon.
Hindi rin kase ito naging madali dahil sa iba’t ibang salik na kanilang kinokonsidera, partikular na sa mismong event.
Umabot naman ng 2 buwan ang kanilang preparasyon kung saan sinusulit niya ang pag-eensayo tuwing out-of-duty niya.
Sapagkat siya ay isang nurse, hindi niya maitangging mahirap ang ginawang pamamahala sa schedules at sa pamamagitan ng disiplina, focus, at pagmamahal sa ginagawa ay nagagawa niyang maging ‘consistent’.
Inaabisuhan niya ang mga nagbabalak din sumali sa extreme events na magpacheck-up muna upang matiyak ang buong kaligtasan.
Samantala, ibinahagi ni Quinsay na nagsimula ang kaniyang journey sa naturang industriya noong 2014 sa 3km lamang hanggang sa nadaragdagan ang layo niyo.
At kasabay at patuloy niyang bitbit ang adbokasiyang itaas ang healthy lifestyle.
Susunod na lalahukan ni Quinsay ang gaganapin sa lalawigan ng Pangasinan kung saan tatahakin nila ang Bolinao patungong Bayambang.