Masaya ngunit may halong trauma ang nararamdaman ngayon ni Edmar Carpio, kaanak ng sanggol na napaulat na nawala kamakailan, matapos itong kunin ng nagpanggap na Nurse sa Lingayen District Hospital.

Matapos ang halos tatlong araw ng walang katiyakan, muli nang nakapiling ng pamilya ang bata.

Ayon kay Carpio, naging emosyonal ang mga araw ng pagkawala ng sanggol.

--Ads--

Lahat sila ay nag-alala, lalo’t walang tiyak na impormasyon kung nasaan at kung ligtas ba ang bata.

Gumamit umano sila ng social media at nakipag-ugnayan sa kapulisan upang mapabilis ang paghahanap.

Hindi raw sila naniniwala na may kinalaman ang sinumang kaanak sa pagkawala ng sanggol.

Giit ni Carpio, nagtutulungan silang lahat at wala sa kanila ang makakagawa ng ganitong bagay.

Hindi rin umano nila personal na kakilala ang kumuha sa sanggol.

Ayon kay Carpio, mismong ang suspek ang nagpadala ng mensahe sa kanya at humiling na siya lamang ang kausapin upang maibalik ang bata.

Hindi alam ng suspek na may mga kapulisang nakatalaga rin sa naturang pakikipag-ugnayan.

Batay sa salaysay ng suspek, inutusan umano siya ng isang tao at inalok ng ₱5,000 kapalit ng pagkuha sa sanggol.

Nasilaw umano ito sa pera dahil may kaanak din silang naka-confine sa ospital at kinakailangan nila ng pantustos.

Dumating umano sina Carpio kasama ang Intel bandang 10:30 ng umaga upang kunin ang sanggol, ngunit pasado alas-12 ng tanghali na ito tuluyang nakuha.

Wala umanong nakapansin, maging ang mga kapitbahay, na nasa kanilang lugar ang bata.

Pinalabas ng suspek sa kanyang pamilya na inampon lamang nila ito.

Sa kabila ng lahat, maayos naman umano ang naging kalagayan ng sanggol sa loob ng ilang araw na wala ito sa pamilya.

Binilhan ito ng mga gamit at may sapat na gatas na naibigay.

Sumailalim na rin ang sanggol sa general check-up bilang bahagi ng pagre-recover.

Nilinaw ni Carpio na hindi totoo ang mga espekulasyong ginawa lamang ang insidente “for content” o para sa pansariling kita.

Aniya, mas mahalaga ngayon na ligtas na ang sanggol at muling nabuo ang kanilang pamilya.