Dagupan City – Naglabas na ng pahayag ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan hinggil sa tinangay na bagong silang na sanggol ng nagpanggap na nurse sa Lingayen District Hospital.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, ikinalungkot ng mga ito ang nasabing balita.

Kasalukuyan ay nagpahayag na sila sa pangunguna ng Pangasinan Police Provincial Office ng masusing imbestgasyon at iprepara ang mga susunod na hakbang.

--Ads--

Nauna na rito, ipinaabot ng pamahalaang panlalawigan ang pagtitiyak sa pamilya ng biktima na hindi nila sila pababayaan at kasama nila ang pamahalaan sa pagkamit ng hustisya.

Nilinaw naman ni Pcol. Arbel Mercullo, Provincial Director ng Pangasinan PPO na itinuturing itong “top priority” ng mga lokal na awtoridad sa bayan ng Lingayen, na sinasabing kauna-unahang kaso ng abduction sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa kwento ng kaanak ng biktima, may pumunta sa kanilang nurse at sinabing kukunin ang sanggol para sana kuhanan ng blood sample, ibinigay naman ito ng ina sa inakalang nasa mabuti itong kamay, ngunit lumipas na ang oras ay hindi pa rin sila bumabalik.

Dito na napag-alamang nawawala na nga ang sanggol at nagpanggap lamang na nurse ang pumunta sa kanila.

Base sa naman sa salaysay ng mga nakasaksi, nakita nilang lumabas ang isang nagpanggap na nurse ng Hospital suot ang parehong uniporme ng mga health workers hanggang sa sumakay ito sa isang tricycle saka inalis ang uniporme.

Hindi naman ito tinangkang pigilan ng mga nakasaksi sa pagkakaalam na pamilya ito ng biktima.

Tinukoy naman ito bilang isang “isolated case” at nagsasagawa na rin sila ng pagsusuri sa close tracing at CCTV tracking upang matukoy ang kinaroroonan ng sanggol.