DAGUPAN CITY- Ramdam ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang karagdagang hirap dulot ng lumalalang kurapsyon sa Pilipinas.

Ayon kay Priscila Rollo Wijesooriya, Bombo International News Correspondent sa Sri Lanka, hindi niya maitago ang inis na nararamdaman dahil apektado rin ang kaniyang pamilya sa Malabon City, sa Manila sa pagbaha dulot ng maanumalyang flood control projects.

Wala man siya sa bansa ay nananalaytay pa rin ang galit niya sa katiwalian ng gobyernong nagpapahirap sa kapwa niya Pilipino.

--Ads--

Ikinalulungkot din niya na tila nabahiran na ng mantsa ang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa dahil sa naturang isyu.

Madalas ang isinasagawang senate hearing para tugunan ang problema ng bayan subalit, nagpapakasasa lamang ang karamihan sa mga opisyal sa yaman na mula sa kaban ng bansa.

Hiling niya na maibaba ang mga kurap sa opisyal, partikular na umano si House Speaker Martin Romualdez, at maibalik ang pera ng mga Pilipino.

Panawagan naman niya sa publiko na maiwasan na maitulad sa ibang bansa kung saan sinisira sa kilos-protesta ang mga pampublikong kagamitan sapagkat mula rin naman ito sa binayarang buwis. Gayundin sa pananakit ng kapwa.