DAGUPAN CITY- Nawawala ang isang bagong silang na sanggol sa bayan ng Lingayen matapos itong kunin ng hindi pa nakikilalang indibidwal na nagpanggap bilang isang nurse.

Ayon sa isang facebook post ng kaanak ng nawawalang sanggol, sa loob umano ng pasilidad ng Lingayen Community Hospital nangyari ang insidente kung saan lumapit ang nagkukunwaring nurse sa ina at sinabing kailangan kunan ng dugo ang sanggol.

Palabas na rin sana ng ospital ang mag-ina at magbabayad na lamang ang ama ng sanggol ng kanilang hospital fee nang mangyari ito.

--Ads--

Sapagkat mahina pa ang kalagayan ng ina matapos sumailalim sa caesarean section, ipinagkatiwala nito ang kaniyang sanggol subalit, hindi na ito bumalik sa kanila.

Nang subukan naman nilang kunin ang kopya ng CCTV footage ng ospital ay kanila na lamang ikinagulat na wala itong CCTV at security sa oras na iyon.

Ito ay sa kadahilanang ide-demolish na umano ang ospital habang out-of-duty na ang security at wala pa ang kapalit nito.

Panawagan ng pamilya ang agarang aksyon ng naturang ospital para matukoy ang pagkakakilanlan ng kumuha sa kanilang anak.

Hinala naman nila na inside job ang nangyari dahil naging mabilis ang pagkawala ng kanilang sanggol sa loob ng isang pampublikong pasilidad.