Dagupan City – Inaresto ang 28-anyos na helper o katulong sa bahay matapos mahuli sa akto sa pagnanakaw ng palahiang manok na nagkakahalaga ng ₱20,000 mula sa isang 50-anyos na negosyante sa Bayan ng Villasis.
Naganap ang pagnanakaw nang alas 7:00 ng gabi sa sakahan ng biktima kung saan isang 14-taong-gulang na mag-aaral mula sa Binalonan ang nasa lugar at nasaksihan ang suspek na pasimpleng nagtatago ng tandang.
Agad na kinonpronta ng menor de edad ang suspek, ngunit tumakbo ito palabas ng sakahan.
Mabilis na humingi ng tulong ang binata sa mga nakapaligid na tao, at sama-sama nilang hinuli ang suspek bago dumating ang awtoridad.
Iniulat naman ang insidente sa Villasis Municipal Police Station ilang minuto matapos ang pagnanakaw kung saan agad na tumugon ang pulisya at dumating sa eksena para arestuhin ang suspek at kunin ang nawalang manok.
Dinala ang suspek, na residente ng Villasis, sa isang ospital para sa medikal na pagsusuri bago ikulong sa tanggapan ng pulisya.
Inihahanda ng mga awtoridad ang kasong pagnanakaw sa ilalim ng Artikulo 308 ng Revised Penal Code ng Pilipinas.
Isinasagawa ng Villasis MPS ang masinsinang imbestigasyon para alamin kung may kinalaman ang suspek sa iba pang insidente ng pagnanakaw sa lugar at kasalukuyang nananatili ito sa kulungan habang hinihintay ang legal na proseso.