DAGUPAN CITY- Inilipat ang pwesto ng ilang mga namamasadang tricycle na pumapila sa harap ng Mangaldan National High School.
Ito ay kasunod ng panawagan ng pamunuan ng paaralan upang masolusyunan ang siksikan ng mga estudyante lalo na tuwing uwian.
Ayon kay Gerardo Ydia, hepe ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Mangaldan, agad silang tumugon sa kahilingan ng paaralan.
Nakipag-ugnayan sila sa presidente ng Tricycle Operators and Drivers Association o TODA upang mailipat sa mas maayos na lugar ang terminal ng mga tricycle.
Sa kasalukuyan, inilaan ang Gate 3 ng paaralan bilang bagong pwesto ng pila ng mga tricycle.
Sampung unit lamang ang pinapayagang pumarada rito kada araw upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang siksikan sa daanan.
Napuna agad ang positibong epekto ng hakbang na ito. Mas naging maluwag ang daloy ng mga estudyante sa labasan ng paaralan at nabawasan ang abala.
Samantala, bukas ang tanggapan ng POSO sa pakikipagtulungan sa iba pang paaralan o ahensya na may kahalintulad na isyu.
Patuloy din ang kanilang pagtutok sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa buong bayan.