Bilang tugon sa matinding pinsalang idinulot ng nagdaang delubyo sa lalawigan, lalo na sa sektor ng aquaculture, isinusulong ngayon ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) ang mas maigting na paghahanda upang maprotektahan ang industriya ng bangus.

Ayon kay Cristopher Aldo Sibayan, Presidente ng SAMAPA, kanilang layunin na maipatupad ang mga konkretong hakbang at plano bago pa man dumating ang mga kalamidad.

Kabilang dito ang pagbibigay ng mga weather advisories at rekomendasyon upang mabigyang babala ang mga magbabangus sa posibleng epekto ng panahon sa kanilang mga palaisdaan.

--Ads--

Aniya may ginagawa silang preventive measures para bago pa man tumama ang bagyo, may nakaabang nang plano.

Isa sa mga panukalang kanilang pinag-aaralan ay ang paggamit ng mga proteksiyon tulad ng net o lambat upang mapanatiling ligtas ang mga binhi ng bangus o fingerlings sa mga palaisdaan.

Ipinunto rin ni Sibayan na ang mga palaisdaang pinapalakihan ng fingerlings ay hindi naman karaniwang binabaha, ngunit dahil sa bilis ng pagtaas ng tubig noong huling kalamidad, marami pa rin ang naapektuhan.

Bagamat hindi sila nagkulang sa paalala sa kanilang social media at chat groups, hindi na nasabayan ng maraming magbabangus ang mabilis na pagtaas ng tubig.

Dagdag pa ng lider ng SAMAPA, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga eksperto at kinauukulang ahensya upang mapabuti ang kabuuang sistema ng aquaculture sa Pangasinan.

Nanawagan din siya ng mas malawak na pagtutulungan mula sa lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga mangingisda upang maiwasan na ang pagkalugi ng kabuhayan dulot ng masamang panahon.