Dagupan City – Nagsasagawa na ng mga hakbang ang Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) upang masubaybayan ang galaw ng presyo ng bangus sa merkado.
Ayon kay Christopher Aldo Sibayan, presidente ng SAMAPA, kabilang sa mga hakbang ang mahigpit na pagmo-monitor sa bawat bangus grower kung kailan sila mag-aani, sa pakikipagtulungan sa mega local government units (LGUs).
Layunin nito na matukoy ang tamang panahon ng anihan upang mas mapanatili ang balanse ng suplay at presyo ng bangus sa merkado.
Ayon kay Sibayan, tumaas kasi ang presyo ng bangus sa mga nakalipas na linggo dahil sa epekto ng nagdaang bagyo, na nakaapekto sa produksiyon at suplay. Sa kasalukuyan, ang presyo ng maliliit na bangus ay umaabot sa P170 kada kilo, habang ang malalaking bangus ay nasa P220 kada kilo.
Gayunman, nilinaw ni Sibayan na inaasahan nilang babalik sa normal ang presyo sa mga susunod na buwan, dahil maraming bangus growers ang nakatakdang mag-ani.
Dagdag pa niya, suportado ng kanilang samahan ang flood mitigation project ng lungsod ng Dagupan, ngunit iginiit niya na dapat ay maging mas epektibo ito at makabuti sa lahat ng sektor, lalo na sa mga bangus growers na direktang naaapektuhan ng pagbaha.