Dagupan City – Ibinahagi ng 1st Regional Community Defense Group o (1st RCDG) sa Rehiyon Uno ang kanilang mga programa at adhikain para sa pagdiriwang ng 46th National Reservist Week sa bansa.
Ayon kay Col. Leopoldo Babante ang Group Commander ng grupo na ngayong taon ay may tema ang kaganapan na “Katuwang sa kapayapaan at kaunlaran sa Bagong Pilipinas”.
Aniya na layunin ng okasyon na palakasin ang papel ng mga reservistang sundalo sa pambansang seguridad at pagtugon sa mga hamon ng kalamidad.
Kaugnay nito na naumpisahan na ito noong buwan ng Agosto kung saan isinagawa na dito ang mga ibat ibang programa at aktibidad gaya ng mga palaro, outreach program, Reserve forces caravan, fun run at iba pa.
Ngayong araw, ginanap ang simultaneous culminating activities sa lahat ng kampo sa bans kabilang ang apat na Command Center sa Rehiyon Uno.
Kaakibat sa okasyon ang pakikiisa ng mga ROTC Cadets mula sa iba’t ibang unibersidad, na nagpakita ng suporta sa adhikaing reservist.
Bahagi rin ng programa ang pagkilala sa mga natatanging reservist sa pamamagitan ng awarding ceremony bilang pagpupugay sa kanilang sakripisyo at serbisyo.
Binigyang-diin ni Col. Babante na ang reservist ay hindi lamang “reserba” sa panahon ng krisis o kalamidad.
Aniya, sila ay aktibong kasama ng komunidad sa lahat ng aspeto ng serbisyo mula sa peacekeeping, disaster response, hanggang sa community development..
Ang National Reservist Week ay taunang pagdiriwang na naglalayong itaas ang kamalayan ng publiko sa mahalagang papel ng reservists bilang force multipliers ng Armed Forces of the Philippines.
Sa pamamagitan ng ganitong pagkilos, ipinapakita ng 1st RCDG ang kanilang pangako sa paghubog ng mga reservist na handa sa anumang hamon para sa bayan.