Tinanggihan ng prosekusyon ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na itigil nang walang taning ang kanyang paglilitis dahil sa umano’y mga problemang pangkalusugan tulad ng memory loss.
Ayon sa Office of the Prosecutor, hindi sapat ang mga inihaing medikal na dahilan upang ituring si Duterte na hindi kayang humarap sa kaso.
Kumuha na rin umano sila ng sariling medical expert at hinikayat ang Korte na magtalaga ng mga independent expert na may karanasan sa mga international na paglilitis.
Iginiit ng prosekusyon na kung magkakaroon man ng delay, ito ay dapat pansamantala lamang upang matapos ang medikal na pagsusuri sa dating pangulo.
Binigyang-diin ng prosekusyon na ang pagkaantala ng paglilitis ay dapat limitado lamang sa panahong kinakailangan para sa medikal na pagsusuri. Nais din nilang makumpleto ang confirmation of charges hearing bago matapos ang 2025.
Samantala, iginiit naman ng kampo ni dating pangulong Duterte na hindi nya na kayang sumailalim sa paglilitis dahil sa “cognitive impairment.” Ayon sa abogado niyang si Nicholas Kaufman, hindi na matandaan ni Duterte ang mahahalagang impormasyon, pati mga taong malalapit sa kanya, kung saan aniya pati ang proseso ng kaso ay hindi niya na maunawaan.
Batay naman sa mga ulat ng defense medical expert, kabilang na ang isang neuropsychologist ng ICC, hindi na raw kayang makilahok ni Duterte sa anumang legal na pagdinig, at pati ang kanyang kalagayan ay inaasahang hindi na umano gagaling.
Magugunitang pansamantalang ipinagpaliban ng Pre-Trial Chamber ang dapat sanang pagdinig sa Setyembre 23 habang hinihintay ang desisyon ukol sa usapin ng kanyang kalusugan.