Bumisita kamakailan si Malasiqui Municipal Mayor Alfe Soriano sa isang Sustainability Waste Treatment Complex Facility sa lalawigan ng Bulacan bilang bahagi ng kanilang layunin upang makahanap ng mas epektibong paraan ng pamamahala sa basura sa nasabing bayan.
Layunin ng pagbisitang ito na personal na makita ng alkalde ang mga makabagong teknolohiya at sistema ng waste treatment na maaaring maipatupad sa Malasiqui upang mapabuti ang kalinisan, mapangalagaan ang kalikasan, at masolusyunan ang patuloy na lumalalang problema sa basura.
Sa kanyang pag-iikot sa pasilidad, pinansin ng alkalde ang organisadong proseso ng segregasyon, recycling, at waste-to-energy conversion na ginagawa roon.
Isa ito sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan tungo sa sustainable development at bagay na kanilang ipinangako na isulong ang kalinisan at kaayusan sa bayan.
Inaasahang magbubukas ito ng oportunidad upang mailunsad ang kaparehong waste treatment facility sa Malasiqui sa mga susunod na taon.
Dagdag pa rito, pinag-aaralan na rin ang posibleng partnership sa mga pribadong sektor upang mapabilis ang implementasyon ng ganitong proyekto na hindi lamang makatutulong sa kalikasan kundi maaari ring lumikha ng mga trabaho para sa mga residente.