Patuloy pa ring nagsasagawa ng puspusang imbestigasyon ang kapulisan kaugnay sa pamamaril sa isang negosyante na sanhi ng kanyang pagkasawi sa bayan ng Pozorrubio, sa lalawigan ng Pangasinan.
Kinilala ang biktima na residente sa nasabing bayan habang ang mga hinihinalang suspek sa krimen ay hindi pa natutukoy ng kapulisan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, gabi nang mangyari ang pamamaril sa harapan ng isang eskwelahan sa Barangay Cablong habang nakasakay ito ng kanyang e-bike kung saan sinusundan ng mga hindi pa natutukoy na riding in tandem.
Pinaulanan ng bala ang biktima at matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspek.
Nagtamo ng tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan at dinala pa sa pagamutan ang biktima ngunit ideklarang dead on arrival.
Samantala, nangangalap pa ang mga otoridad ng mga sapat na ebidensya upang matukoy ang nasa likod at motibo sa krimen kaya payo nila sa publiko na marapat na makipag-ugnayan sa kapulisan kung may nalalaman sa nangyaring insidente sa nasabing lugar.