DAGUPAN CITY — Mariing tinutulan ni Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Narayana Rsi Das Mesina ng Calasiao, Pangasinan ang pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla hinggil sa panukalang pagbuwag sa Sangguniang Kabataan.
Ayon kay Mesina, ang SK ay hindi lamang simpleng konseho kundi isang mahalagang mekanismo ng representasyon ng kabataan sa pamahalaan. Binanggit niya na sa ilalim ng Republic Act 10742 o ang SK Reform Act of 2015, malinaw na kinikilala ng Estado ang kakayahan ng kabataan bilang katuwang sa pamumuno at paggawa ng polisiya.
Ipinunto pa nito na ang mga nagawa ng kanilang pederasyon mula sa programang pang-edukasyon, kalusugan, at pangkabuhayan hanggang sa adbokasiya laban sa droga at teenage pregnancy.
Dagdag pa rito ang mga inisyatiba para sa kalikasan, kultura, at sports na nagpatibay sa aktibong pakikilahok ng kabataan sa lipunan.
Aniya, tiyak na mauuwi ito sa pagkadismaya at kawalan ng tiwala ng kabataan sa pamahalaan kung aalisin ang SK at walang alternatibong mekanismo para marinig ang tinig ng kabataan
Nanawagan din si Mesina sa DILG, National Youth Commission, at Kongreso na makipagdayalogo at isama ang kabataan sa usaping direktang makaaapekto sa kanilang kinabukasan.
Sa huli, iginiit niya na ang kabataan ay hindi hadlang kundi katuwang ng pamahalaan na dapat palakasin, suportahan at linangin ang baging SK para sa isang makatarungan, makabuluhan, at progresibong kinabukasan.