DAGUPAN CITY- Naniniwala si dating House Representative France Castro na may responsibilidad din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 National Budget dahil sa sinertipikahan niya ito bilang ‘urgent’.

Sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, tinaguriang pinakakurap na budget ang 2025 National Expenditure Program (NEP) dahil sa malaking halagang unprogrammed appropriations na naisingit.

Giit niya na kung nabigyan lamang ito ng sapat na panahon at hindi minadaling maaprubahan ay hindi makakapasok ang mga insertions.

--Ads--

Kaya kaniyang tinututulan ito na maging reenactment budget para sa 2026 dahil magkakaroon ng kapangyarihan ang pangulo na mag-assign ng proyektong papalit sa mga natapos na.

Nanindigan naman si Castro na hindi maitutulad ang 2026 budget sa 2025 kung ang higit P260 billion flood control budget ay ilalaan sa edukasyon, kalusugan, at iba pang social services.

Gayundin sa pagbasura sa budget ng NTFLCAL at confidential funds.

Dapat din na mapanagot ang mga mapapatunayang sangkot sa kurapsyon.

Kaya naman ay hindi lamang umano dapat si Rep. Zaldy Co ang busisiin kundi maging mga naging kasamahan nito sa bicam na nag-apruba ng 2025 National Budget.

Binigyan halaga niya rin ang partisipasyon ng taumbayan sa pamamagitan ng pagsapubliko ng pagdinig hinggil sa budget ng bayan.