Hindi pa rin tiyak ang magiging direksyon ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kasabay ng patuloy na pagbabago sa liderato ng Senado, ayon kay Atty. Edward Chico, isang Law professor at political analyst.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Atty. Chico na nananatiling malabo ang “loyalty lines” ng mga senador, na magiging mahalaga sa anumang impeachment proceeding.
Aniya, “Hindi pa alam ang mangyayari dahil ang loyalty ng mga senador ay hindi pa madetermina.”
Kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon, naniniwala si Chico na hindi masama ang magtanong at magsuri basta’t ito ay may layuning linawin ang mga isyu at hindi pagtatakpan ang sinuman.
Binigyang-konteksto rin niya ang kasalukuyang pangyayari sa mas malawak na kasaysayang politikal ng bansa.
Ayon sa kanya, kadalasang may tinatawag na “sacrificial lamb” tuwing may isyu ng korapsyon o political scandal.
Subalit kung maninindigan si Pangulong Marcos at hahayaan na maparusahan ang sinuman, magiging makasaysayan ito.
Pero kung magiging selective ay hindi na rin nakapagtataka.
Bukod dito ay ipinunto rin niya na karaniwang reactionary o reactive ang publiko sa mga isyung pampulitika.
Sa kasalukuyang usapin, tila naisantabi na umano ang orihinal na pinag-ugatan ng isyu, kabilang ang mga desisyong inilabas ng Korte Suprema.
Dagdag pa niya, tila naipokus ang sisi kay VP Sara Duterte, habang ang iba pang posibleng sangkot ay hindi na gaanong nabibigyan ng pansin.
Ngunit sa paggulong ng imbestigasyon hinggil sa isyu ng flood control projects ay tila lumalabas na hindi lamang si VP Sara lang ang masamang tao, hindi lang siya ang korap. Pero sa ganitong pangyayari, na-expose ang lahat.
Habang patuloy ang mga pagbabago sa Senado at lumalalim ang mga imbestigasyon, nananatiling palaisipan kung saan tutungo ang isyu ng impeachment.