Ipinatutupad na ngayon sa lahat ng Pangasinan provincial government hospitals ang No Balance Billing (NBB) policy.

Ayon kay Dr. Vivian Villar-Espino, Provincial Health Officer, wala nang kailangang bayaran ang mga pasyenteng ma-admit sa alinmang provincial government hospital, basta’t sakop ito ng kakayahan at pasilidad ng ospital.

Ani Espino, anumang pangangailangan sa ospital, basta kaya ng facility, ay walang babayaran ang pasyente.

--Ads--

Para naman sa mga pasyenteng wala pang PhilHealth, maaari silang ma-enroll sa PhilHealth habang nasa loob na ng ospital. Kailangan lamang magpasa ng birth certificate para sa mga menor de edad, at valid ID para sa mga nasa wastong gulang.

Ipinaliwanag din ni Dr. Espino na ayon sa polisiya, 90% ng mga pasyente ay dapat nasa basic accommodation, habang 10% naman ay maaaring ma-accommodate sa private room, depende sa availability.

Nilinaw niya rin na mayroong karagdagang bayarin kung ang pasyente ay pipiliing ma-admit sa pay ward o private room.

Bukas ito para sa mga nais ng mas pribadong silid, ngunit kinakailangan lamang pumirma ng waiver bilang patunay ng kanilang kagustuhan.