DAGUPAN CITY- Isang malaking impluwensya sa liderato sa loob ng Kongreso o Senado ang pagkakadawit ng opisyal nito sa mga kaso ng kurapsyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center For People Empowerment in Governance, bagaman hindi na bago ang ganitong bagay-bagay sa bansa lalo na’t may mga insertions sa 2025 National Expenditure Program (NEP).

Subalit, aniya, dahilan ito upang mawalan ng kredibilidad ang isang opisyal na sangkot sa kaso lalo na kung ito ay isa rin sa mga nag-iimbestiga.

--Ads--

Ito ay matapos isiniwalat ni ex-Department of Public Works and Highways (DPWH) Engr. Brice Hernandez sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva na sangkot din umano sa maanumalyang flood control projects.

Maliban pa riyan, tumanggap naman ng P30 million halaga ng donasyon si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero sa Centerways Construction noong 2022 para sa kaniyang pangangampanya.

Sinabi naman ni Simbulan na magsisilbing ‘reset’ sa senado ang pagpapalit ng liderato kung saan ay kaniyang pinaniniwalaan din na tama ang mga opisyal na itinalagang mamumuno.

Katulad na lamang umano sa pagkatalaga kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson bilang President Pro Tempore dahil sa karanasan nito sa pag-iimbestiga noong naging hepe siya ng Philippine National Police (PNP).

Sa kabilang dako, pinaliwanag naman ni Prf. Simbulan na maaaring mapagbigyan ang mag-asawang Discaya sa pagiging state witness kung mapatunayang hindi sila ang may pangunahing pagkakasala sa kaso.

Aniya, ang tanging tatanggapin lamang na state witness ay ang may pinakamababang pagkakasala na dawit sa kaso.