Hindi sapat na batayan ang testimonial evidence lamang upang gawing state witnesses ang mag asawang Discaya .
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert, kailangang magprisinta ang mga ito ng konkretong ebidensya at hindi puro salaysay lamang.
Aniya, madaling mapalsipika ang testimonial evidence, at kung wala itong sapat na suporta, walang legal na bigat ang kanilang mga pahayag.
Sa ganitong sitwasyon, posible pang sampahan ng kaso ang mag-asawa ng mga kongresistang idinadawit nila, gaya ng libel at claims for damages.
Dagdag pa ni Cera, dapat ding suriin at ikumpara ang mga pahayag ng mag-asawang Discaya sa Senado at sa mga nauna nilang sinabing testimonya upang matukoy kung may inconsistencies o pagbabago sa kanilang mga salaysay.
Isa rin sa mahalagang aspeto na dapat nilang patunayan ay ang isyu ng “porsyentuhan” o hatian sa perang umano’y nakulimbat.
Kung ito ay mananatiling bahagi lamang ng kanilang kwento nang walang supporting evidence, mananatili itong testimonial evidence at posibleng ibasura lamang sa korte.
Sa ganitong kalagayan, hindi sila maaaring italaga ng DOJ bilang mga state witnesses laban sa mga kongresista.
Bilang halimbawa, binanggit ni Cera ang kaso noong panahon ni Janet Napoles, kung saan bagama’t maraming personalidad ang nabanggit bilang benepisyaryo ng mga ghost projects, iilan lamang ang tunay na nakasuhan bunsod ng kakulangan sa konkretong ebidensya.
Babala pa niya, kahit ang mga ledger na isinapubliko ay maaaring kwestyunin, at sabihing gawa-gawa lamang kung walang sapat na patunay.
Aniya, kung mapapatunayang ill-gotten ang perang nakuha ng mag-asawa, kailangan din nilang isauli ito sa gobyerno.