Dagupan City – Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang indefinite suspension sa operasyon ng Macoy Farm, isang poultry farm sa Barangay Inamotan, dahil sa paglabag sa mga regulasyong pangkalusugan at pangkapaligiran na nagsanhi ng pagdami ng langaw sa lugar.

Ang desisyon, na nakasaad sa Executive Order No. 53, Series of 2025, ay bahagi ng tugon sa mga reklamo ng residente ukol sa pagdami ng langaw na nagmumula sa nasabing pasilidad.

Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, naging batayan ng desisyon ang mga ulat mula sa Task Force Langaw—isang grupo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng munisipyo—na binuo para magbantay sa mga poultry sa usapin ng langaw na nagsiwalat ng mga paglabag sa poultry farm.

--Ads--

Kabilang dito ang hindi maayos na pamamahala ng dumi ng manok na nagdudulot ng pagdami ng langaw, kakulangan sa sanitasyon, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng komunidad.

Binigyang-diin ni Mayor Rosario na pitong poultry farm sa bayan ang regular na binabantayan ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin.

Sa kabilang banda, personal na bumisita ang Sanitation Office ng RHU Manaoag sa poultry farm sa pamumuno ni Sanitary Inspector Ramon “Manny” Guico, kasama ang mga Barangay Official ng Inamotan, upang ihatid ang Sanitary Order.

Ayon kay Guico, may isang buwan ang Macoy Farm para sumunod sa mga rekisito, kabilang ang paggamit ng rice hull (ipa ng palay) sa pag-aayos ng dumi ng manok, isang pamamaraang matagumpay nang ipinatupad sa dalawa pang poultry farm sa bayan, at pagpapatupad ng mga hakbang para mapigilan ang pagdami ng langaw.

Sa kabila ng pagtanggi ni Carol Galliguez asawa ng caretaker ng farm na magbigay ng pahayag, sinabi niyang gumagawa na ng mga hakbang ang farm para makabalik sa operasyon.

Samantala, iginiit ni Barangay Captain Edison Pira na patuloy silang nagsasagawa ng monitoring at koordinasyon sa LGU.

Aniya, “hindi basta-basta maisasara ang poultry farm” dahil kailangan pa itong dumaan sa legal na proseso sa korte dahil hindi sakop ng kanilang kapangyarihan.

Paliwanag ni Capt. Pira, pangalawang pagkakataon na itong nasuspinde ang Macoy Farm lalo na noomh nasa “conventional” pa ang operasyon nito, at higit 10 taon na ang nakalipas mula noong unang pagkakasuspinde.

Samantala, nakatakdang namang patuloy na magsasagawa ng follow-up inspection ang Task Force Langaw at Sanitation Office upang matutukan ang compliance ng nasabing farm para mapabilis ang kanilang operasyon.