DAGUOPAN CITY- Tinututukan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mas pinaigting na pagsasanay para sa kanilang mga traffic enforcer bilang bahagi ng kanilang layunin na mas mapaayos ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

Ayon kay Maximo Tapongot, isang Traffic Aide III ng MMDA, may iba’t ibang antas ng training na dinaraanan ng mga enforcer, mula sa Level 1 (basic), Level 2 (intermediate), hanggang Level 3 (advanced), depende sa kanilang natatapos na pagsasanay.

Aniya na bahagi ng development program na ito ang pakikipag-ugnayan ng MMDA sa Land Transportation Office (LTO), na may hiwalay na mandato sa pagpapalabas ng lisensya at pagrerehistro ng mga sasakyan.

--Ads--

Samantala, pangunahing tungkulin naman ng MMDA ang pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko at tamang direksyon ng trapiko sa buong Metro Manila.

Kaugnay nito, pinapalakas din ng MMDA ang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Tapongot, bago ipatupad ang anumang bagong polisiya o memorandum circular, humihingi sila ng tulong sa mga LGU upang magsagawa ng joint operations.

Layunin nito na mas maging epektibo ang pagpapatupad ng mga regulasyon at mapalawak ang saklaw ng kanilang operasyon.

Samantala, bukod sa internal na training, may iniaalok ding libreng Motorcycle Riding Academy ang MMDA para sa mga motorista, lalo na sa mga baguhan.

Isinasagawa ito sa Meralco Avenue sa loob ng dalawang araw at bukas ito sa lahat, kahit hindi residente ng Metro Manila.

Inaasahan ng MMDA na sa pamamagitan ng mga programang ito, mas magiging disiplinado at ligtas ang mga motorista sa kalsada.

Ang mga driving school ay katuwang din ng ahensiya sa pagbibigay kaalaman sa mga motorista ukol sa tamang asal sa kalsada, at patuloy ang paalala ng MMDA na magpa-schedule sa mga training programs, lalo na para sa mga bagong rider, upang matiyak ang kaligtasan sa lansangan.