Nagbabala ang Department of Health (DOH) Region I hinggil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa rehiyon, kasunod ng pagbubukas ng klase ngayong taon.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region I, umabot sa 2121 suspected cases ng HFMD ang naitala hanggang Agosto 16, kumpara sa 122 cases lamang sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag ni Dr. Bobis na ang pagtaas ng bilang ng kaso ay maaaring maiugnay sa pagbubukas ng klase, na nagresulta sa mas maraming pagkakataon ng exposure sa sakit.
Dagdag pa niya, ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na dulot ng viral infection, at karaniwang naipapasa sa pamamagitan ng respiratory droplets, gaya ng COVID-19.
Kabilang sa mga sintomas ng HFMD ay ang pantal sa kamay at paa, lagnat, sore throat at pananakit ng katawan.
Lumalabas naman ang sintomas 3 hanggang 7 araw matapos ang exposure.
Bagaman kusang gumagaling ang karamihan ng kaso nang walang espesyal na medikal na atensyon, posible pa ring magkaroon ng severe complications lalo na sa mga batang may kasamang comorbidities.
Nilinaw din ni Dr. Bobis na hindi iniinom ang antibiotics sa paggamot ng HFMD dahil ito ay dulot ng virus.
Sa ngayon ay patuloy na binabantayan ng DOH ang mga kaso ng HFMD, lalo na’t karaniwang tumataas ang insidente tuwing tag-ulan.
Payo naman nito sa mga magulang na turuan ang mga anak ng tamang paghuhugas ng kamay, magdala ng sanitizer, magsuot ng face mask lalo na sa mga kulob na lugar.
At huwag papasukin sa paaralan ang mga batang may sintomas upang maiwasan ang pagkalat at agad na i-isolate ang may sintomas ng HFMD.
Samantala, nananatiling nakatutok ang DOH Region I sa iba pang mga wild diseases at muling nananawagan sa publiko na panatilihin ang kalinisan at maging responsable sa pag-iwas sa pagkalat ng mga nakakahawang sakit.