DAGUPAN CITY- Kasalukuyan ang konstruksyon ng tulay sa De Venecia Road patungo sa Barangay Calmay sa Lungsod ng Dagupan na inaasahang magdadala ng malaking tulong sa libu-libong residente ng lugar.
Sa ngayon, tinatayang aabutin pa ng taong 2027 bago ganap na matapos ang konstruksyon ng tulay.
Ayon kay Brgy. Capt. Jovencio Salayog, malaki ang magiging epekto nito sa araw-araw na buhay ng mga residente sa oras na matapos ang proyekto.
Ang dating halos isang oras na biyahe patungo sa sentro ng lungsod ay inaasahang magiging limang minuto na lamang.
Bukod sa mga manggagawa at komyuter, makikinabang din sa tulay ang mga estudyanteng araw-araw bumabyahe patungo sa kanilang mga paaralan sa lungsod.
Hindi na umano sila mahihirapan sa tuwing umaaraw man o umulan, dahil sa mas mabilis na pagbbyahe.
Hindi lamang ang Barangay Calmay ang inaasahang makikinabang sa tulay.
Pati ang mga karatig-barangay ay matutulungan din sa mas pinadaling access sa kabayanan, sa mga eskwelahan, pamilihan, at mga serbisyong pampubliko.
Samantala, tiniyak naman ng mga opisyal ng barangay na hindi maaapektuhan ang kabuhayan ng mga nagbabangka kahit matapos ang proyekto.
Ayon sa kanila, mananatili pa rin ang ilang pasaherong mas pinipili ang bangka bilang pangunahing uri ng transportasyon, lalo na patungo sa pamilihang lungsod.
Nagsimula ang konstruksyon ng tulay noong nakaraang taon, sa ilalim ng pondo mula sa pambansang pamahalaan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 1.8 bilyong piso.
Buong pasasalamat naman ang ipinaabot ng pamunuan ng barangay sa mga ahensyang nagsusulong ng proyekto.
Para sa kanila, ito ay hindi lamang imprastraktura, kundi isang hakbang patungo sa mas progresibong pamumuhay para sa kanilang komunidad.