Dagupan City – Nasawi ang 2 lalaki matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa bayan ng Malasiqui.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, makikita sa CCTV footage na mabilis ang takbo ng motorsiklo bago ito mawalan ng kontrol at bumangga sa sementadong bahagi ng kalsada sa Brgy. Taloy sa bayan.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang tatlong sakay at humampas ang kanilang mga ulo sa semento.

--Ads--

Agad namang rumesponde ang mga residente at inihatid ang mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit idineklarang dead on arrival ang dalawa sa kanila.

Ang isa naman ay patuloy na ginagamot sa ospital dahil sa tinamong malubhang pinsala.

Ayon sa pulisya, walang suot na helmet ang mga biktima sa oras ng insidente, bagay na maaaring naging dahilan ng kanilang malubhang mga tinamo.

Kasalukuyan namang inaalam ng mga imbestigador kung nasa impluwensya ng alak ang mga sakay ng motorsiklo nang mangyari ang aksidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng salik na naging sanhi ng trahedya.