DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng malawakang tree growing activity sa bayan ng Malasiqui bilang bahagi ng programang Pangasinan Green Canopy.
Sa pamamagitan nito, patuloy ang kampanya para sa pangangalaga at pananatili ng kalikasan, dahil itinuturi nila itong mahalagang pamana para sa mga susunod na henerasyon.
Pinangunahan ito ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Municipal Mayor Alfe Soriano katuwang ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, mula sa mga miyembro ng environmental organizations, at ilan pang mga indibidwal.
Sa isinagawang aktibidad, daan-daang punla ng iba’t ibang uri ng puno ang itinanim sa mga piling lugar sa bayan na itinuturing na kailangan ng reforestation.
Layunin ng inisyatibo na mapanatili ang biodiversity, maiwasan ang soil erosion, at makatulong sa paglaban sa lumalalang epekto ng climate change.
Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang patuloy na partisipasyon ng komunidad sa mga ganitong programa upang sama-samang maisulong ang adbokasiya ng pangangalaga sa kalikasan para sa mas ligtas nilang pamumuhay.