Dagupan City – Matagumpay na inilunsad ngayong araw ang Kadiwa ng Pangulo Bazaar, sa pakikipagtulungan ng Provincial Agriculture Office, sa isang mall sa lungsod ng Dagupan.
Ang aktibidad na ito tinatawag din bilang Kadiwa sa kapitolyo na magtatagal ng 3 araw hanggang sa linggo na bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang “Panagbiag Bazaar: Pinoy Suet Festival,” kung saan inimbitahan ng mall ang Provincial Agriculture Office upang maisagawa ang nasabing kaganapan.
Ayon kay Rammy Sison ang Agribusiness on Marketing Service Coordinator ng Provincial Agriculture Office, ang Kadiwa ng Kapitolyo ay nagtatampok ng iba’t ibang produkto mula sa Pangasinan.
Layunin nito na maihatid ang murang presyo ng mga produktong agrikultural sa mga mamamayan, bilang pagtalima sa inilunsad na Kadiwa ng Pangulo noong 2022.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng mga exhibitors at Small Farmers Association, na isa sa kanilang mga tinutulungan, ay nagpapatuloy ang pagpapalawak ng kanilang merkado at pagpapataas ng kanilang kita.
Ipinahayag din ni Sison na 12 exhibitors mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan, na pawang miyembro ng Pangasinan Kadiwa ng Kapitolyo Exhibitor Association, ang lumahok sa nasabing bazaar.
Tampok sa Kadiwa Bazaar ang mga produktong may mataas na kalidad sa mas murang halaga, tulad ng gulay, prutas, processed foods, chips, daing, itlog, at iba pa.
Tinitiyak na ang mga presyo ay mas mababa kumpara sa mga retail price sa merkado.
Inaasahan na mas maraming customer ang tatangkilik sa mga produkto ng Pangasinan sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo.
Kaya naman, inaanyayahan ang publiko na suportahan ang Kadiwa ng Pangulo upang makamura sa mga pang-araw-araw na pangangailangan o kaya naman ay maging resellers.
Samantala, nagpahayag ng kasiyahan ang Pangasinan Kadiwa ng Kapitolyo Exhibitors Association, sa pangunguna ni Jonathan Jose Patawaran, sa pagkakataong maipakita ang kanilang mga produkto sa mga LGU at mga mall.
Aniya, direkta ang bentahan mula sa producers patungo sa consumers, kaya’t mas mura ang presyo ng mga produkto.
Ibinahagi rin ni Patawaran na mayroong 30 rehistradong exhibitors sa lalawigan, ngunit pinipili nila ang mga sasalihan sa Kadiwa ng Pangulo site depende sa pangangailangan ng mga consumers at kung aling produkto ang mabilis mabenta sa lugar upang hindi masayang ang kanilang pagsisikap.