Iniimbestigahan ngayon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Minneapolis bilang isang kaso ng domestic terrorism at hate crime na tumatarget umano sa mga Katoliko.
Ayon kay FBI Director Kash Patel sa isang pahayag sa social media platform na X, ang nangyaring pamamaril ay itinuturing na isang domestic terrorism at hate crime laban sa mga Katoliko.
Kung saan ito umano ang naging sanhi ng pagkasawi ng 2 bata, may edad walo at sampu sa Annunciation Catholic School.
Ayon sa mga otoridad, hindi bababa sa 17 ang sugatan sa insidente, kabilang na ang ilang mga bata.
Agad silang dinala sa pinakamalapit na pagamutan at patuloy na nilalapatan ng lunas.
Natagpuan naman ng mga pulis ang suspek na wala nang buhay sa loob ng compound ng simbahan.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagpakamatay ito sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.
Kinilala ang suspek na si Robin Westman, 23-anyos.
Nasa lugar na ngayon ang FBI at iba pang mga otoridad upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at tukuyin ang motibo sa likod ng karumaldumal na insidente.