Tiniyak ng Pangasinan 3rd District Engineering Office (DEO) na walang anomalya o ‘ghost project’ sa kanilang nasasakupan, kasunod ng mga alalahanin tungkol sa mga proyektong hindi natutuloy sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ay matapos matuklasan ng pangulo ang mga anomalya sa ilang opisina ng DPWH, kung saan may mga ‘ghost project’ kahit may milyon-milyong pondong nailalabas para sa flood control.

Ayon kay Engr. Maria Venus Torio, District Engineer, maayos ang lahat ng kanilang mga proyektong isinasagawa at hindi nila pinapayagan ang anumang anomalya sa kanilang distrito.

--Ads--

Sa ngayon 2025 aniya, mayroon 67 proyekto para sa Flood Control na nagkakahalaga ng P3.945 Bilyon ang kanilang nasasakupan gaya ng 5th and 6 district kung saan 37 dito ay tapos na, habang 30 ang kasalukuyang ginagawa at malapit nang matapos dahil mayroon silang 13 contractor na nagtatrabaho sa mga ito.

Ipinahayag din niya na ang budget ngayong taon ang pinakamalaki mula noong 2022 dahil noong 2022, may budget na P1.541 Bilyon para sa 43 proyekto; noong 2023, P699.65M para sa 20 proyekto; at noong 2024, P3.658 B para sa 61 proyekto, kung saan halos lahat ay tapos na at monitoring na lamang ang ginagawa, kasama ang pagkukumpuni kung kinakailangan.

Kaugnay nito na ang mga flood control project sa mga bayan ng Balungao papuntang Umingan para sa Banila River at Natividad sa mga riverbank protection ang may malalaking pondo na umaabot sa 100 milyon mula package 1 hanggang 3.

Ipinaliwanag ni Engr. Torio na hindi gaanong problema sa kanilang lugar ang pagbaha dahil sa matitibay at dekalidad na proyekto ngunit ang pinakamalalang naranasan nila ay noong Bagyong Pepeng ilang taon na ang nakakalipas matapos maapektuhan sa baha ang buong Rosales at mga kalapit na bayan.

Naniniwala ito sa kakayahan ng kanilang mga contractor na sumunod sa mga pamantayan sa pagsasagawa ng mga proyekto, kaya walang nangyayaring anomalya sa kanilang distrito.

Tungkol naman sa mga napapabalitang substandard na proyekto, sinabi ni Engr. Torio na maigting nilang tinututukan ang mga materyales na ginagamit upang masiguro na ito ay sumusunod sa mga pamantayan at hindi nasasayang ang pondo.

Dagdag pa ng DEO, bukas sila sa anumang pagtatanong o pag-uulat mula sa publiko hinggil sa mga proyekto.

Hinihikayat nila ang mga mamamayan na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang magkaroon ng transparency at accountability sa pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng pagiging bukas at aktibo sa pagbibigay ng impormasyon, layon ng Pangasinan 3rd DEO na mapanatili ang tiwala ng publiko at masiguro na ang mga proyekto ay tunay na makikinabang sa mga mamamayan.