Isinusulong ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist, ang panukala para sa pagsasagawa ng Independent People’s Audit sa mga flood control project ng pamahalaan, bilang tugon sa lumalalang isyu ng korapsyon at kakulangan sa pananagutan ng mga opisyal.
Ayon kay France Castro Former representative Alliance for Concerned Teachers Partylist , nakahanda ang ACT Partylist na magsumite ng panukalang batas upang itaguyod ang independiyenteng imbestigasyon sa paggamit ng pondo para sa mga proyektong may kinalaman sa pagpigil ng pagbaha.
Naniniwala ang grupo na hindi magiging sapat at patas kung ang Kongreso o Senado lamang ang mangunguna sa imbestigasyon, lalo na kung may mga mambabatas na sangkot mismo sa mga proyekto.
Itinutulak din nila ang pagsasagawa ng pre-audit at post-audit na may aktibong partisipasyon mula sa mamamayan.
Layunin nitong tiyaking tapat, makatao, at makatarungan ang paggastos ng pondo ng bayan.
Kasabay ng pagsusulong ng audit, muling iginiit ng ACT ang panawagan sa malawakang at independiyenteng imbestigasyon sa lahat ng flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa grupo, kailangang siguruhin na ang nominasyon ng mga proyekto ay maayos, nakikipag-ugnayan sa mga LGU, at tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga komunidad.
Nanawagan din siya para sa pagbibitiw ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, bunsod ng umano’y “incompetence, graft at korapsyon” sa kanyang pamumuno.
Ang panukala ng ACT Partylist ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng grupong isulong ang good governance at responsableng pamumuno, lalo na sa usaping may direktang epekto sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.