Dagupan City – Inihayag ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario ang kanyang paglagda sa Mayors for Good Governance (M4GG) Manifesto, bilang nag-iisang alkalde sa Pangasinan na gumawa nito.

Mula sa 44 na bayan, 4 na lungsod, at 6 na kinatawan ng distrito ng kongreso ng Pangasinan, siya lamang ang lumagda sa nasabing manifesto.

Layunin ng manifestong ito, na sinusuportahan din ng ilang mga alkalde sa bansa, na manindigan sa paghingi ng ganap na transparency, accountability, at hustisya sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha.

--Ads--

Hangad nito na pangalagaan ang maayos na pamamahala at proteksyon para sa kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino, at tutukan ang mga budget na inilalabas ng gobyerno para sa mga proyektong isinasagawa sa bansa.

Ang hakbang na ito ay bilang suporta sa mga pangunahing alkalde ng lungsod kabilang sina Vico Sotto (Pasig), Joy Belmonte (Quezon City), Marcy Teodoro (Marikina), Ruffy Biazon (Muntinlupa), Benjamin Magalong (Baguio), Mike Rama (Cebu), at Jerry Treñas (Iloilo).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Rosario na hindi na bago sa kanya ang pagsuporta sa samahan na nagtataguyod ng Good Governance, dahil matagal na siyang kabilang dito mula pa nang maupo siya sa kanyang unang termino bilang alkalde.

Aniya, hindi lamang ang mga maanomalyang flood control projects ang mainit na usapin ngayon ang ipinaglalaban ng grupo dahil nagsisilbi rin sila bilabg watchdog sa lahat ng bagay na kanilang pinaninindihan sa bansa bilang mga nasa posisyon ng gobyerno.

Nakitaan niya ng magandang layunin ang samahan na tumatayo para sa magandang dahilan, na ipinaglalaban ang tama para maiparating sa komunidad ang maayos na pamamahala.

Hindi naman maipagkakaila aniya na halos sa buong bansa ay prayoridad ang mga proyekto para sa flood control, ngunit hindi na makatarungan ang mga bilyon-bilyong perang nawawaldas o nawawala sa bansa dahil hindi pa rin naiibsan ang matagal nang problema sa pagbaha.

Ibinahagi rin niya na sa bayan ng Manaoag ay may mga naumpisahan na at natapos na mga proyekto ng DPWH, ngunit kinakailangan pa rin ng dagdag na proyekto dito.

Ipinagmamalaki naman niya na malaking bagay ang mga nagawang river bank protection projects sa kanilang bayan, dahil nahaharangan nito ang malakas na ragasa ng tubig at hindi na lumilipat sa kabahayan ang tubig kapag tumaas ito.

Sinabi niya na kapag may mga proyektong isasagawa ang DPWH sa kanilang bayan, may ginagawa namang koordinasyon gaya ng mga dinadaanang proseso tulad ng pagbibigay ng kopya sa mga proyektong ginagawa sa bayan na kanila namang minomonitor kung naipapatupad ba o natatapos ng maayos.

Pinagpapasalamat naman niya na dahil sa mga nagawang proyekto sa kanilang nasasakupan, hindi na masyadong nababaha ang kanilang bayan, ngunit may 2 sitio na lamang mula sa 2 Barangay sa kanilang bayan ang nagkakaranas ng pagbaha tuwing may masamang panahon dahil sa kakulangan pa ng ilang proyektong nauugnay sa pagtugon dito.

Dahil dito, nakakatiyak ang alkalde na walang ghost project sa kanilang bayan tungkol sa flood control mula sa DPWH dahil maigting nila itong binabantayan.

Samantala, bilang pangulo ng LMP Pangasinan Chapter, hinihimok nito ang kapwa alkalde na sumuporta sa ganitong mga hakbangin para matutukan at maipaalam ang tamang paggamit ng mga pondo ng gobyerno sa mga proyekto para sa mamamayang Pilipino.