Dagupan City – Naaresto ang nasa apat na suspek kabilang ang 3 menor de edad sa pagnanakaw sa isang bahay sa bayan ng Rosales.
Nangyari ito sa pagitan ng ala-una at alas-dos ng madaling araw kung saan ang mga biktima ay isang 43 taong gulang na lalaki at isang 38 taong gulang na babae parehong residente sa nasabing bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, natuklasan ng mga biktima bandang alas singko ng umaga na puwersahang sinira ang bintana ng kanilang banyo at napansin ang mga nakakalat na mga gamit at paninda sa loob ng kanilang tindahan.
Sa karagdagang pagsisiyasat, natuklasan namang nawawala ang isang laptop na nagkakahalaga ng PhP30,000 at iba’t ibang paninda.
Sa tulong ng CCTV footage na pagmamay-ari ng kanilang barangay, nakilala ang mga suspek kung saan humantong ito sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Isa sa mga suspek ay isang 19 taong gulang na lalaki, walang trabaho, at residente rin ng Rosales, Pangasinan.
Samantala, ang lahat ng mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng Rosales MPS para sa kaukulang disposisyon .