Nagsagawa ng libreng medical mission ang Philippine Eagles Incorporated sa pakikipagtulungan ng Bagong Bayani Hongkong Executive Eagles Club para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), na ginanap kahapon sa OWWA Global Center.
Kabilang sa mga libreng serbisyong ibinigay ang blood sugar testing at blood pressure check, na umabot sa 120 katao ang nabigyan ng libreng screening mula ala-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlon “Pantat” De Guzman – Bombo International News Correspondent sa Hongkong isa ito sa buwanang adbokasiya ng grupo na layong tumulong sa kalusugan ng mga kababayan sa pamamagitan ng simpleng paraan.
Bagamat hindi sila pinapayagang magbigay ng gamot dahil wala silang lisensyadong doktor, nakatulong pa rin ang aktibidad upang maipaabot ang importansya ng preventive healthcare.
Bukod dito ay may ipinamigay rin silang mga health kits sa mga kalahok.
Aniya may mga pagkakataong isinasabay nila ang medical mission sa kanilang monthly general membership meeting, at inaasahang magpapatuloy ito sa mga susunod pang buwan.
Nanawagan naman ito sa mga kapwa OFW na kung walang pasok o ibang aktibidad, ay mainam na magtungo sa OWWA Global Center upang makinabang sa mga community services na kanilang iniaalay.
Pagbabahagi pa nito na bahagi ito ng kanilang tungkulin ang tumulong sa kapwa sa abot ng kanilang makakaya.