Dagupan City – Ipinahayag ni Atty. Argel Joseph Cabatbat – Representative, Magsasaka Partylist na hindi sapat ang ipinatupad na 60-araw na ban sa importasyon ng bigas, dahil hindi nito tunay na natutugunan ang pangunahing problema ng mga lokal na magsasaka.

Ayon kay Cabatbat, ang nasabing import ban ay ipinatupad sa panahong hindi pa nagsisimula ang anihan, kaya’t hindi rin nito naipagtanggol ang lokal na ani laban sa dagsang imported na bigas.

Dagdag pa ni Cabatbat, ang industriya ng bigas sa bansa ay patuloy na hindi nagiging competitive mula nang maisabatas ang Rice Tariffication Law.

--Ads--

Aniya simula kasi nang maipasa ang batas, mistulang naging minamanipula na ang presyo ng bigas at palay, na lubhang nagpapahirap sa mga magsasaka.

Giit niya, kailangang mas malalim na reporma ang ipatupad upang tunay na maprotektahan ang sektor ng agrikultura, lalo na ang mga maliliit na magsasaka na patuloy na bumababa ang kita dahil sa murang imported na bigas.

Nanawagan din si Cabatbat sa pamahalaan na muling pag-aralan ang epekto ng liberalisasyon sa agrikultura at tiyaking ang mga polisiya ay pabor sa lokal na produksyon, hindi sa mga dayuhang supplier.