Dagupan City – Ibinunyag ni Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist na ilang flood control projects sa Pangasinan at Nueva Ecija ang nasira at naging sanhi ng matinding pagbaha sa mga palayan, na siyang labis na nakaapekto sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Cabatbat, ang mga proyektong ito ay dapat sana’y nagpoprotekta laban sa pagbaha ngunit sa halip ay naging dahilan pa ng pagkasira ng mga taniman at kabahayan.
Dagdag pa niya, tila nagiging negosyo ng ilang nasa posisyon ang ganitong proyekto, kung saan pinagkakakitaan pa umano mula sa pondo at sa pagpili ng mga contractor.
Sa gitna ng patuloy na suliranin sa baha sa mga kanayunan, nananawagan si Cabatbat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na personal na bumisita sa mga apektadong lugar nang walang bahid ng pulitika upang masuri ang tunay na sitwasyon at matutukan ang mga proyektong pang-flood control nang mas epektibo at tapat.
Umaasa ang Magsasaka Partylist na agad na maaksyunan ang isyu upang maiwasan pa ang karagdagang pinsala sa sektor ng agrikultura, lalo na ngayong panahon ng bagyo at malalkakas na pag-ulan.