Dagupan City – Nanawagan si Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist na papanagutin hindi lamang ang maliliit na sangkot sa smuggling, kundi pati ang mga opisyal o malalaking personalidad na siyang nasa likod ng pagpasok ng mga smuggled na bigas at produktong agrikultural sa bansa.

Ayon kay Cabatbat, sa mga naitalang kaso ng smuggling, madalas ay mahihirap lamang ang nakakasuhan, habang nananatiling malaya ang mga tunay na utak sa likod ng operasyon.

Matatandaang inamin mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may ilang opisyal ng pamahalaan na sangkot sa rice smuggling at kumikita sa iligal na gawaing ito.

--Ads--

Kaugnay nito, hinimok ni Cabatbat ang pamahalaan na i-update ang publiko hinggil sa naging hakbang ukol sa naturang rebelasyon.

Nauna na rito ay kinuwestyon ni Senator Kiko Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) kung bakit wala pa ring rice smugglers o opisyal ng gobyerno ang nasasampahan ng kaso o nakukulong.

Pinuna ni Pangilinan na kahit naipasa na ang pinalakas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Law noong nakaraang taon, tila walang naging malinaw na aksyon laban sa mga nahuling agricultural smugglers, sa kabila ng mga ulat ng Bureau of Customs (BOC) ukol sa mga nahuli nilang kargamento.

Sa gitna ng mga pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultural, muling iginiit nina Cabatbat at Pangilinan ang kahalagahan ng transparency at accountability sa gobyerno upang matigil ang lumalalang problema sa smuggling na nakakaapekto sa lokal na magsasaka at konsumer.