Dagupan City – Umabot sa ₱3.47 milyon ang kabuuang halaga ng makinaryang pansakahan na ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Regional Field Office I (DA-RFO I) sa dalawang farmers irrigators associations sa Mangaldan.
Kabilang sa tinanggap ng Masigasig-Alitaya Farmers Irrigators Association Inc. ang isang Rice Combine Harvester habang isang 4-wheel drive tractor na may kumpletong accessories ang ipinagkaloob sa Maasin-Malabago Farmers Irrigators Association Inc.
Bahagi ito ng Rice Program ng DA na layuning mapataas ang produksyon ng palay sa rehiyon sa pamamagitan ng paggamit ng makabago at episyenteng kagamitan sa pagsasaka. Inaasahang mapapabilis at mapapadali nito ang operasyon ng mga asosasyon sa kanilang sakahan.
Kasama ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan at ang Municipal Agriculture Office sa koordinasyon at implementasyon ng proyekto bilang suporta sa patuloy na modernisasyon ng sektor ng agrikultura sa bayan.