DAGUPAN CITY- Nakatakda nang talakayin sa korte ang kaso ng pinaslang na 7-taon gulang na batang babaeng natagpuan sa baybayin ng Tondaligan, Dagupan City noong Agosto 15.

Ayon kay PLTCol. Lawrence Keith Calub, hepe ng Dagupan City PNP, isinumite nitong Lunes sa City Prosecutor’s Office ang mga nakalap na ebidensya, at matapos ang mahigit 12 oras ng pagsusuri ay isinampa ang kasong kidnapping with homicide laban sa mag-asawang suspek.

Aniya na nakikipag-ugnayan na sila sa piskalya at nakatakdang talakayin ang kaso sa korte sa darating na Agosto 25, araw ng Lunes.

--Ads--

Sa ngayon, ang mga ebidensya ang pangunahing batayan ng kaso habang wala pang inilalabas na resulta ang isinagawang autopsy.

Samantala, posible ring mailipat sa BJMP ang kustodiya ng mga suspek matapos ang pagdinig.

Batay sa nakalap na impormasyon, tanging ang mag-asawa lamang ang sangkot sa krimen.

Nilinaw ni LTCol Calub, na parehong kabilang sa major crimes ang kidnapping at murder, ngunit kapag sabay na isinampa ang dalawang mabibigat na kaso ay awtomatikong nababawasan ang bigat ng isa.

Dahil dito, kidnapping with homicide ang isinampang kaso laban sa mag-asawang suspek na siyang desisyong ginawa ng piskal batay sa mga ebidensyang nakalap.

Ipinaliwanag din na nakadepende sa uri ng kasong naihain ang magiging saklaw ng parusa o multa, at maaari itong umabot sa maximum level kung sakaling lumitaw pa ang mga bagong salik na magpapabigat o magpapalala sa kaso.