Inaasahan ng Department of Energy (DOE) ang panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, bunsod ng pagbaba ng buwis sa Estados Unidos at patuloy na tensyon nito laban sa Russia.
Ayon kay Assistant Director Rodela Romero ng DOE Oil Industry Management Bureau, posibleng tumaas ng P0.50 kada litro ang gasolina, P0.40 kada litro ang diesel, at P0.10 kada litro ang kerosene, base sa apat na araw na trade monitoring.
Gayunpaman, maaari pa umanong mas lumaki ang umento depende sa magiging galaw ng merkado sa huling araw ng kalakalan.
Dagdag pa niya, malaki rin ang epekto ng patuloy na geopolitical tension ng US at Russia.
Naging sanhi ito ng pagtaas ng presyo lalo na’t bigo sina US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin na magkasundo sa usaping pangkapayapaan sa kanilang Alaska summit.
Binanggit din ni Romero na ang Russia, na kinikilalang ikatlong pinakamalaking supplier ng langis sa buong mundo, ay may direktang impluwensya sa presyuhan tuwing nagkakaroon ng kaguluhang politikal.