Dagupan City – Hindi bababa sa limang katao ang nasawi matapos maaksidente ang isang tour bus na may lulan na 54 pasahero sa New York City mula sa Niagara Falls.

Ayon kay Bradford Adkins, Bombo International News Correspondent sa USA, ang lugar kung saan naganap ang insidente ay isang “accident-prone area” dahil sa liblib at matarik na kalsada.

Dagdag pa niya, karamihan sa mga nagtamo ng malulubhang pinsala ay yaong mga pasaherong hindi nakasuot ng seatbelt.

--Ads--

Batay naman sa pahayag ni James O’Callaghan, Spokesperson ng New York State Police, nagmula ang bus sa Niagara Falls at pabalik na sana sa New York City nang mawalan ito ng kontrol at gumulong sa mataas na bahagi ng highway.

Kabilang sa mga pasahero ang ilang menor de edad. Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng nasabing aksidente.