Dagupan City – Isinasagawa tuwing Biyernes ng buong buwan ng Agosto ang mga tradisyunal na laro ng lahi sa bayan ng Calasiao bilang bahagi ng masiglang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Buwan ng Kabataan.
Layunin ng aktibidad na buhayin at palaganapin muli ang mga katutubong laro na bahagi ng mayamang kulturang Pilipino, habang pinapalalim ang pagpapahalaga ng mga kabataan sa sariling wika at pagkakakilanlan.
Kabilang sa mga larong isinagawa ay ang palosebo, kadang-kadang, patintero, tumbang preso, luksong baka, at iba pa na nilahukan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang barangay.
Kasabay ng mga laro, idinaraos rin ang tinaguriang serbisyo-serye, kung saan personal na bumababa ang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa mga barangay upang ihatid ang iba’t ibang serbisyong panlipunan, gaya ng libreng konsultasyong medikal, pagpaparehistro para sa mga benepisyo, at iba pang serbisyo publiko.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng layunin ng lokal na pamahalaan ng Calasiao na mas mailapit ang serbisyo sa mamamayan, habang pinapalakas din ang partisipasyon ng mga kabataan sa mga makabuluhang aktibidad na nagpapayabong sa kulturang Pilipino.
Patuloy ang suporta ng pamahalaang bayan sa mga programang nagpapalaganap ng pambansang identidad at nagsusulong ng pagkakaisa sa bawat barangay.