Arestado ng pulisya ang isang 31-anyos na lalaki matapos isampa ang kasong statutory rape laban sa kanya, batay sa salaysay ng isang 15-anyos na menor de edad na kaniyang biktima.
Sa panayam kay PMaj. Arthuro Melchor Jr., hepe ng Mangatarem Police Station, ikinuwento ng biktima na kinuha lamang nito ang kanyang damit sa sampayan nang biglang hatakin ng suspek papunta bahay nito, kung saan naganap ang panghahalay.
Lumalabas din na magkalapit lamang umano ang kanilang tinitirhan.
Bagaman itinanggi ng lalaki ang paratang, kinumpirma sa isinagawang medical examination na totoong may nangyaring panghahalay.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na kabilang sa Top 4 Most Wanted Persons sa municipal level.
Bukod dito, nagkasa rin ng buy-bust operation ang Mangatarem PNP kung saan naaresto ang isang street-level drug pusher, aabot naman sa halagang P5000 ang nakuhang iligal na droga mula sa operasyon.
Samantala, ipinaalala naman ni PMaj. Melchor na mayroon silang 5-minute response team upang agad makaresponde sa anumang insidente sakali mang may mangailangan ng tulong.
Hinikayat din niya ang mga magulang na huwag hayaang magmaneho ang kanilang mga menor de edad na anak, alinsunod sa umiiral na ordinansa laban sa minor drivers sa bayan.
Bukod dito mayroon din umanong curfew hours sa lugar upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga kabataan at ng buong komunidad.