Mga kabombo! Isa ka ba sa mga mahilig tumiris ng pimple? Baka ito na ang sign para itigil mo na ito?

Isang babae kasi sa New York, USA ang isinugod sa emergency room matapos makaranas ng matinding­ pamamaga at pansamantalang pagkaparalisa ng mukha dahil lamang sa pagtiris ng isang pimple o tagihawat sa loob ng tinatawag na “Triangle of Death” ng kanyang mukha.

Ayon sa ulat, ang kanyang kaso ay nagsisilbing isang matinding babala tungkol sa panganib na dulot ng simpleng gawain.

--Ads--

Kinilala itong si Lish Marie, kung saan ay tiniris niya ang kaniyang tagihawat sa ilalim ng kanyang ilong.

At sa loob lamang ng ilang oras, namaga ang kaliwang bahagi ng kanyang mukha at hindi na niya ito maigalaw nang maayos.

Matapos nga nito’y agad-agad siyang dinala sa ospital kung saan binigyan siya ng apat na uri ng gamot, kabilang ang antibiotics at steroids, upang labanan ang impeksiyon na pumasok na sa kanyang dugo.

Ayon sa mga doktor ang “Triangle of Death” ay ang tatsulok na bahagi ng mukha mula sa tuktok ng nose bridge hanggang sa magkabilang sulok ng bibig.

Tinatawag din itong lubhang mapanganib dahil ang mga ugat (veins) na direktang konektado sa “cavernous sinus”, isang network ng mga ugat na matatagpuan sa utak.

Paliwanag ng dermatologst, walang valve mechanism sa bahagi na ito upang pigilan ang retrograde blood flow at kung ang bacteria mula sa isang tagihawat ay pumasok sa mga ugat na ito, maaari itong makarating sa utak at magdulot nang malubhang impeksiyon tulad ng septic cavernous sinus thrombosis, na posibleng humantong sa pagkawala ng paningin, stroke, pagkaparalisa, o maging kamatayan.