Dagupan City – Bumaba ng kalahati ang presyo ng mga native na gulay sa Calasiao Public Market matapos ang sunod-sunod na pagbaba sa nakalipas na mga araw.
Matinding hirap sa suplay ang naranasan noong una, ngunit ngayon ay sobra-sobra na ang ani ng mga lowland vegetable kaya bagsak-presyo ang marami sa mga paninda.
Dahil mabilis masira ang mga gulay lalo na kung mahina ang demand, napipilitan ang ilang tindera na i-repack ang paninda at ibaba pa ang presyo upang mabilis itong maibenta.
Bagama’t malaking ginhawa ito para sa mga mamimili, kabaligtaran naman ang epekto sa mga nagtitinda na halos lugi na sa bawat bentahan.
Samantala, patuloy pa ring tumataas ang presyo ng mga highland vegetable dahil sa limitadong suplay mula sa kanilang pinag-aangkatan.
Aabutin pa ng humigit-kumulang isang buwan bago tuluyang bumalik sa normal ang presyo ng mga klase ng gulay na ito.
Kung magpapatuloy ang sitwasyon, inaasahang mas titindi pa ang kompetisyon sa merkado, at posibleng lumala ang kalugihan ng mga maliliit na negosyante.
Sa kabila nito, patuloy namang sinasamantala ng mga mamimili ang murang halaga ng native na gulay habang ito’y sagana at abot-kaya.