DAGUPAN CITY- Nasabat sa isang construction worker sa bayan ng Rosales, Pangasinan ang nagkakahalagang mahigit ₱260,000 halaga ng hinihinalang shabu matapos isagawa ang isang buy-bust operation.
Ayon kay PCpt. Eugene Romma Navalta, Deputy Chief ng Rosales MPS, ikinasa ang operasyon pasado alas-sais ng gabi sa Barangay Carmay East kung saan target ng operasyon ang isang lalaking kabilang umano sa street-level drug personality watchlist ng pulisya.
Nasamsam mula sa suspek ang walong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 38.43 gramo at may tinatayang nasa ₱261,000 ang halaga.
Kasunod ng pagkakaaresto, agad na dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa lugar.
Sa ngayon, pinaigting pa ng Rosales PNP ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng mas malawak na operasyon ng Pangasinan Police Provincial Office kung saan tuloy tuloy ang kanilang mga checkpoints para maharang ang mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.