Umapela ang kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy sa administrasyong Marcos na hayaan ang mga korte sa bansa na magpasya sa kaniyang mga kaso bago magdesisyon hinggil sa hiling ng Amerika para sa kaniyang extradition.

Ayon sa abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, kinikilala ng kanilang kampo na nasa discretion ng estado kung papayagan o hindi si Quiboloy na ma-extradite sa US kahit nakabinbin pa lamang o napagdesisyunan na ang kaso laban sa kaniya sa ilalim ng extradition treaty sa pagitan ng dalawang bansa.

Nauna ngang kinumpirma ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez na hiniling ng US ang extradition kay Quiboloy.

--Ads--

Hawak na aniya ng DOJ ang mga dokumento o ebidensiya para sa extradition request simula pa noong Hunyo.

Subalit ayon naman kay Atty. Torreon, nakatakda pa lamang nilang matanggap ang mga dokumento may kaugnayan sa extradition request ng US.

Sakali man aniyang nag-request nga ang Amerika para sa extradition ng pastor, igagalang ng kanilang kampo ang prerogatibo ng US sa naturang hakbang salig sa extradition treaty sa Pilipinas.

Pagdating naman sa posibleng paghiling ng US sa provisional arrest ni Quiboloy, hindi pa ito kailangan sa ngayon dahil kasalukuyang nasa kulungan si Quiboloy habang nagaantay ng resolution sa kaniyang motion for reconsideration sa pagtanggi sa kaniyang petisyon na makapaglagak na piyansa. // via Bombo Everly Rico